Walang plano ang Lokal na Pamahalaan ng Parañaque na magsagawa ng hard lockdown habang ipinapatupad ang extension ng Enhanced Community Quarantine o ECQ dahil sa banta ng Coronavirus Disease o COVID-19.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, hindi na niya kailangan pa na mag-desisyon ng hard lockdown kahit pa inihayag ng Department of Health (DOH) na may isang barangay sa kanilang lungsod ang may mataas na kaso ng COVID-19.
Iginiit pa ng alkalde na hindi niya nakikitang solusyon ang hard lockdown partikular sa barangay san antonio na may mataas na bilang ng positibong kaso ng COVID-19 kung saan mas maiging tutukan at dalhin na lamang sa isolation facility ang mga pasyente.
Aniya, posible rin daw na magalit ang mga residente ng Brgy. San Antonio lalo na’t karamihan ng nakatira dito ay nasa remote areas o mga informal settlers na nangangailangan ng karagdagang tulong.
Nabatid kasi na nasa 61 ang kumpirmadong kaso sa Brgy. San Antonio kung saan nais ni Olivarez na magsagawa ng random rapid testing aa higit 20,000 residente na nakatira dito kahit pa ilang araw na lamang ay posibleng matapos na ang ECQ.
Sa huling datos naman ng Parañaque City Health Office, nasa 502 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod habang 98 na ang nakarekober pero 35 ang naitalang namatay sa sakit.