Bagamat hindi isahang bagsakan ang ipinatupad ng malakihang taas-presyo ng mga oil companies, ayon sa mga PUV operators at drivers sa Pangasinan, ay wala rin umano itong pagbabago.
Matatandaan na pumayag ang ilang oil companies sa kahilingan ng Department of Energy na hatiin sa dalawa ang pagpapatupad ng taas presyo sa petrolyo.
Epektibo na ang unang pagtaas kahapon, June 24 at ang natitira mula sa kabuuang pagtaas, ay mararamdaman sa June 26.
Ayon sa ilang nakapanayam ng IFM Team, kahit umano hinati ay hindi pa rin umano maikakaila na masakit ito sa bulsa. Tuluyang maaapektuhan umano ang kanilang kita na maiuuwi sana sa pamilya.
Ang ilan naman, sinabing maaaring mainam ang paghati nito para hindi umano masyadong mahugutan o malakihan ang mga motorista.
Bagamat, hindi na raw bago sa mga ito ang taas presyo, dagdag-pangamba lang umano ang nagpapatuloy na kaguluhan sa pagitan ng Israel at Iran, kung saan hindi pa matukoy hanggang kailan ito magtatagal.
Dahil dito, umaasa ang mga drivers ng tulong mula sa kinauukulan upang maibsan man lang sana ang epekto nito sa kanila. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









