Hatol na guilty kay Maria Ressa para sa kasong cyber libel, pinalagan ng opposition senators

Binatikos ng opposition senators ang hatol na guilty ng Manila Regional Trial Court Branch 46 kay Rappler CEO and Executive Editor Maria Ressa at kay dating Rappler researcher/writer Reynaldo Santos dahil sa kasong cyber libel.

Dismayado si Senator Risa Hontiveros, na kahit may pandemic ay patuloy ang mga hakbang laban sa mga mamamahayag na nagbibigay ng walang kinikilingang balita lalo na ang patungkol sa extrajudicial killings na delikado sa ating demokrasya.

Ikakasurpresa naman ni Senator Francis Kiko Pangilinan kung maaabswelto si Ressa at Santos dahil tatlong taon na aniyang dumaranas ng pagpapatahimik at pag-atake ang media at mga kritiko ng administrasyon.


Sabi naman ni Senator Leila de Lima, ang sinapit nina Ressa at Santos ay nagpapakita ng paggamit ng gobyerno sa mga batas bilang armas laban sa mga hindi natatakot magsiwalat ng katotohanan tulad ng media, mga kritiko at human rights defenders.

Iginiit naman ni dating Senator Antonio Trillanes IV na panahon na para magsalita at magsama-sama bago pa mawala nang tuluyan ang ating kalayaan.

Para kay Trillanes, ang guilty verdict laban kay Ressa ay hindi lang pag-atake sa freedom of the press kundi pag-atake rin sa demokrasya na ilang hakbang patungo sa Martial Law.

Facebook Comments