
Pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol na habangbuhay na pagkakakulong sa Australian pedophile na si Peter Scully na utak sa sexual exploitation ng ilang kabataan.
Sa desisyon na akda ni Associate Justice Jhosep Lopez, pinagtibay ng Second Division ng SC ang conviction ng qualified trafficking kay Scully at accomplice na si Carme Ann Alvarez.
Nangyari ang krimen noong September 2014 kung saan inalok ni Alvarez ang dalawang menor de edad na babae na edad 9 at 12 na sumama sa kaniya para dalhin kay Scully.
Dito na nilasing ng dayuhan ang dalawa at ginawa ang pambabalahura at mahahalay na bagay pero nakatakas din ang mga biktima makalipas ang apat na araw.
Nahatulan ng paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 ang dalawa pero umapela sila sa Korte na walang nakitang ebidensiya at nilabag din umano ang kanilang karapatan nang hindi payagang ipresinta ang depensa.
Sa kabila nito, iginiit ng Mataas na Hukuman na nakita ang lahat ng elemento ng trafficking sa ginawa nilang krimen lalo na at mga menor de edad ang biktima.
Ilang beses na rin daw pinagbigyan sina Scully na magpresinta ng mga sariling ebidensiya pero bigo ang mga ito.
Bukod sa life imprisonment, pinagmulta rin sila ng tig-limang milyong piso at pinagbabayad pa ng 600,000 sa bawat biktima para sa naging danyos.