Habambuhay na pagkakakulong ang hatol sa South Korean national na pastor na sangkot sa qualified trafficking.
Ito ay may kaugnayan sa kaniyang pag-recruit ng mga menor de edad sa kaniyang simbahan na nagresulta sa sapilitang pagtatrabaho ng mga ito sa kaniya.
Si Si Young Oh alyas “Steve Oh” ay isang pastor na dumating sa Pilipinas noong 2008 at naging head ng theology school sa Pampanga na kalaunan ay nabuking din na wala palang mga permit mula sa gobyerno.
Sa pamamalagi ni Oh sa bansa, tatlong menor de edad ang kaniyang ni-recruit para umano mag-aral ng theology at maging pastor o misyonero nang walang babayaran.
Sinamantala ng dayuhang pastor ang pagkakataon para sapilitan silang magtrabaho sa mga ipinapatayong proyekto ng simbahan nang halos walang natatanggap na kompensasyon.
Nasagip ang mga menor de edad noong 2013 at nahatulan si Oh noong 2017.
Ayon sa korte, ginamit ng pastor ang pananampalataya ng mga menor de edad upang gawin ang kaniyang mga utos nang walang bayad at hindi rin tinupad ang pangakong pagtuturo ng teolohiya.
Pinagmulta ito ng dalawang milyong piso at inatasan din na bayaran ang mga biktima ng aabot sa P1.8 million pesos.