Nirerespeto ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang hatol ng Sandiganbayan kay dating AFP controller retired Maj. General Carlos Garcia.
Si Garcia ay matatandaang hinatulang “guilty” ng Sandiganbayan dahil sa direct bribery at facilitating money laundering.
Ayon kay Aacting AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar, nagsilbing leksyon sa AFP ang matagumpay na pagsulong ng kaso laban sa dating heneral upang matigil ang korapsyon sa kanilang hanay.
Dahil aniya rito ay nagpatupad ng mga reporma ang AFP upang hindi na maulit pa ang kinasangkutang anomalya ni Garcia.
Paliwanag pa ni Col. Aguilar, naging epektibo ang mga repormang isinulong ng Sandatahang Lakas dahil hanggang sa ngayon ay walang naiulat na malaking kaso ng korapsyon sa militar, katulad ng kinasangkutan ni Garcia.
Matatandaang si Garcia ay sinentensyahan ng Sandiganbayan ng pagkabilanggo ng hanggang 14 na taon at pagmulta ng mahigit ₱407-M dahil sa ilegal na pagkamal ng mahigit ₱300-M mga suhol at kickback noong siya pa ang AFP controller.