Hatol sa kaso ng 3 pulis na sangkot sa pagkamatay ni Kian delos Santos, ilalabas ng PNP-Internal Affairs Service sa unang linggo ng Oktubre

Manila, Philippines – Ilalabas na ng PNP Internal Affairs Service sa unang linggo ng Oktubre ang kanilang hatol kaugnay sa kaso ng tatlong pulis na sangkot sa pagpatay ng grade 11 student na si Kian delos Santos.

Ayon kay PNP Inspector General Atty. Alfegar Triambulo sa Martes Sept. 19 nakatakdang humarap sa PNP-IAS officials ang tatlong pulis na sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda at PO1 Jerwin Cruz para sa summary hearing.

Sa gagawing summary hearing obligado silang magsumite ng position paper para tuluyan ng gumulong ang mga kasong grave misconduct, serious irregularity in the performance of duty at serious neglect of duty laban mga pulis.


Habang ang status naman ng sinibak na si Chief of Police ng Caloocan na si Senior Supt. Chito Bersaluna ayon kay Atty. Alfegar ay nakadepende sa sagot ng Pangulong Rodrigo Duterte matapos silang humiling ng presidential clearance para maisalang ito sa summary hearing.

Matatandaang Sept. 4 nang simulan ng PNP-IAS ang summary proceeding matapos matukoy na may probable cause o may matibay na basehan para masampahan ng kaso ang mga nabanggit na pulis.

Facebook Comments