Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Councilor Rufino Arcega, Chairman ng Committee on Agriculture, isang Forward Truck na nagkakahalaga ng mahigit P1.9 million pesos ang ipagkakaloob sa Isabela Seed Growers Multi-Purpose Cooperative na nakabase sa Barangay Alinam, Cauayan City mula sa DA Region 2 bilang tulong sa mga magsasaka at sa mga kooperatiba.
Hinihintay na lamang na mapirmahan ang MOA ni City Mayor Jaycee Dy Jr. para pormal na itong maipatupad sa Lungsod ng Cauayan. Pinaliwanag ni Arcega na maaari itong gamitin ng mga magsasaka na gustong magbenta ng palay at mais sa mismong kooperatiba.
Pero kung gusto namang magbenta sa ibang buyer ay maaari pa rin namang magamit ang hauling truck para maihatid sa gustong buyer ang mga ibebentang aning produkto.
Nilinaw pa ni Arcega na mayroon lamang kaunting halaga na counterpart o share ang magpapahakot o gagamit ng hauling truck para sa gasolina.
Sasagutin naman ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Cauayan ang maintenance ng hauling truck o di kaya ay kung kailangan ng minor repair.
Ang nasabing programa ay kauna-unahan palang sa buong rehiyon dos na inisyatibo ng DA Regional Field Office no. 2 bilang tulong sa ating mga local farmers.
Ito ay bilang bahagi na rin sa Rice Program- Bayanihan Agri-Clustering (BAC) ng Kagawaran ng Pagsasaka.
Mensahe naman nito sa mga nangangailangang magsasaka na makipag ugnayan lamang sa Isabela Seed Growers para sa iskedyul ng paghahakot sa mga naaning produkto.