Hazard pay ng mga manggagawa para sa COVID-19 threat, dapat ituloy sa ilalim ng GCQ at MGCQ

Iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno, pati sa pribadong sektor na ipagpatuloy ang pagbibigay ng hazard pay sa mga manggagawa na nagtatrabaho ngayong may pandemic.

Pahayag ito ni Drilon, kasunod ng reports na marami na ang huminto sa pagbibigay ng hazard pay simula nang ipatupad ang General Community Quarantine (GCQ) at Modified General Community Quarantine (MGCQ) simula nitong June 1, 2020.

Ayon kay Drilon, mas marami na ang lumalabas ng tahanan dahil sa unti-unting pagbubukas ng mga negosyo na nagsara nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) para labanan ang pagkalat ng COVID-19.


Paliwanag ni Drilon, dahilan ito kaya mas malaki ang tsansa na ma-expose sa virus ang nakararami lalo na ang mga nasa frontline services tulad ng mga health workers at media.

Kasabay nito ay kinalampag din ni Drilon ang Department of Health (DOH) para ituloy ang pagbibigay ng special risk allowance sa mga health workers bukod sa hazard pay.

Facebook Comments