Hazard pay sa mga “critical industries”, pinaaaprubahan na sa Kamara

Pinamamadali ni Parañaque Rep. Joy Myra Tambunting ang panukala na nagbibigay ng “hazard pay” sa mga kawani na nagtatrabaho sa mga “critical industries”.

Sa House Bill 10403 ay isinusulong na mabigyan ng hazard pay tuwing may deklaradong “state of calamity” o “public health emergency” tulad ng pandemya ang mga nagtatrabaho sa mga ospital, rural health units, health centers, klinika at laboratory, at iba pang health related establishments.

Kasama rin sa benepisyong ito ang mga kawani ng mga morge at punerarya, mga bangko at iba pang financial institutions, groceries, supermarkets at convenience stores; at mga pampublikong palengke.


Pasok din sa listahan ang mga nagta-trabaho sa mga botika at katulad na establisyemento; mga restaurant, hotels, at mga gasolinahan; telecommunications, mass media, mass public transportation at civil-aviation related companies at iba pa.

Kapag naging ganap na batas, ang mga nabanggit na empleyado sa critical industries ay mapagkakalooban ng hazard pay na katumbas ng hindi bababa sa 25% ng kanilang buwanang sweldo.

Nakasaad sa bill, nararapat lamang na bigyan ng dagdag na benepisyo ang mga kabilang sa critical industries dahil ang mga ito ay patuloy na nagserbisyo sa publiko sa kabila ng banta sa kanilang kalusugan.

Facebook Comments