Nakalusot na sa House Committee on Ways and Means ang panukala na pagbibigay ng hazard pay sa mga hukom o judges mula sa first at second level trial courts.
Sa inaprubahang panukala ng komite ni Albay Representative Joey Salceda, bibigyan ng 25% monthly hazard pay ang mga hukom na katumbas ng kanilang buwanang sahod.
Ang nasabing hazard pay ay kailangan pa ring buwisan pero tinututulan ito ni Salceda.
Dahil dito, bumuo ng technical working group ang komite para aralin na huwag nang buwisan ang hazard pay.
Giit naman ni House Committee on Justice Chairman Vicente Veloso III, dapat na maging rational ito at hindi na patawan ng buwis ang hazard pay dahil ginagawa naman ng mga hukom ang isang delikadong trabaho para sa bansa.
Sa oras na maging ganap na batas, huhugutin ang hazard pay ng mga hukom sa pondo ng Judiciary sa ilalim ng General Appropriations Act.