Tiniyak ni Senator Jinggoy Estrada na sa ilalim ng isinusulong na mandatory ROTC ay mahigpit na ipinagbabawal ang hazing at anumang criminal acts.
Ayon kay Estrada, nakapaloob sa panukalang mandatory ROTC ang pagpapataw ng maximum penalty kung masasangkot sa hazing salig sa mga umiiral na batas laban sa krimen na ito.
Ang dapat aniya ay mahigpit na ipatupad ang Anti-Hazing Law at tiyakin ng batas na may paglalagyan sa kulungan ang mga gumagawa nito.
Binigyang diin ng senador na ang purpose o tungkulin ng ROTC ay sanayin ang mga kabataan sa mga kinakailangang skills hindi lamang sa militar na aspeto kundi pati na rin sa paghahanda at pagtugon sa kalamidad.
Aniya, ang disiplina at tamang pag-uugali na nakapaloob sa mga pagsasanay ay magagamit at malaking tulong din sa lahat ng aspeto ng buhay ng mga estudyante.
Siniguro pa ni Estrada na oras na maging ganap na batas ay hindi mangyayari at hindi papayagan ang pagsasagawa ng hazing sa ilalim ng pagpapatupad ng ROTC program.