Manila, Philippines – Kinumpirma ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na inilagay na ng Department of Justice (DOJ) sa provisional sa Witness Protection Program ang isa sa respondents sa pagkamatay ni hazing victim Horacio Castillo III na si Mark Ventura.
Ito ay matapos na personal na magtungo sa kanyang tanggapan si Mark kasama ang inang si Merlene Ventura at abogadong si Atty. Ferdie Benitez para mag-apply sa Witness Protection Program.
Ayon kay Aguirre, kaharap nila sina Justice Undersecretary Erickson Balmes, WPP Executive Director Nerissa Carpio, NBI Deputy Director for Regional Operations Antonio Pagatpat at iba pang tauhan ng NBI nang isalaysay ni Ventura ang nalalaman nito sa pagkamatay ni Atio.
Sinabi ni Aguirre na binigay din sa kanila ni Ventura ang pangalan ng mga kasama sa nagsagawa ng initiation rites kay Atio.
Aniya, ang sinumpaang salaysay ni Ventura ay ini-evaluate na ng WPP personnel bilang preparatory sa kanyang formal admission sa programa.
Kinumpirma rin aniya ni Ventura na mahigit sampung miyembro ng Aegis Juris ang nambugbog kay Atio sa initiation rites at isang master initiator ang nag-uutos na ititigil lamang ang initiation rites kapag pumutok na o magang-maga na.