Ililibing na ngayong araw ang hazing victim na si Philippine Military Academy Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.
Ayon kay Dexter Dormitorio, kapatid ng nasawing Kadete, nagtataka sila na sa tatlong beses na isinugod sa ospital si Darwin ay hindi sila inabisuhan.
Nangyari ang huli noong September 18 kung kailan siya binawian ng buhay dahil sa mga bugbog sa katawan.
May senyales ding dumaan sa torture ang kanyang kapatid.
Bagamat huli na, tinanggap ng kanilang pamilya ang pagbibitiw ni PMA Superintendent, Lt/Gen. Ronnie Evangelista at Commandant of Cadets, Brig/Gen. Bartolome Bacarro.
Hindi rin titigil ang kanilang pamilya hangga’t hindi napapanagot ang mga sangkot sa pagkamatay ng kanilang bunso.
Batay sa resulta ng administrative investigation ng PMA, apat na Upper Classmen ang inirekomendang patalsikin sa PMA dahil sa direktang partisipasyon, pagmamaltrato, at command responsibility.
Dalawang Kadete naman ang pinasususpinde ng isang taon habang isang Kadete naman ang pinatawan ng demerit, punishment at 180 days confinement sa PMA.