Bahagyang tumaas ang antas ng implasyon sa lalawigan ng Pangasinan mula 3.1 porsyento noong Hunyo patungong 3.3 porsyento nitong Hulyo 2025, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) Pangasinan.
Kabilang sa mga pangunahing dahilan ng pagtaas ay ang mga restaurant at serbisyo sa akomodasyon, transportasyon, at edukasyon. Ang mga ito ay may pinakamalaking ambag sa kabuuang pagbilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa lalawigan.
Tumaas din ang presyo ng kuryente, alak at tabako, pananamit at kasuotan, pati na rin ang mga kagamitan sa bahay at regular na pagmamantina. Ang mga pagtaas na ito ay nagdagdag sa kabuuang pagtaas ng implasyon sa rehiyon.
Sa kabila nito, may ilang sektor na nakaranas ng pagbagal ng implasyon. Kabilang dito ang pagkain at di-alkohol na inumin, kalusugan, libangan at kultura, pati na rin ang mga serbisyong may kaugnayan sa personal na pangangalaga at iba pang produkto.
Patuloy na mino-monitor ng PSA ang galaw ng presyo sa lalawigan upang masigurong may sapat na datos para sa mga desisyong pang-ekonomiya. Mahalaga ang ganitong ulat upang matukoy ang mga sektor na kailangang bigyang pansin ng pamahalaan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









