“Heads must roll” o dapat may maparusahan at maalis sa pwesto sa nangyaring pagtakas ng isang inmate sa maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP).
Ito ang iginiit ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa matapos na matuklasan na ang nawawalang Person Deprived of Liberty (PDL) na si Michael Cataroja na noong una ay inakalang patay at baka kabilang sa umano’y mass grave sa septic tank ng kulungan ay tumakas at nagtatago pala sa Rizal.
Binigyang diin ni Dela Rosa na sobra-sobrang lapses o kapabayaan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang nangyaring pagtakas ng PDL at hindi ito katanggap-tanggap.
Aniya, ang maximum security compound ng NBP na itinuturing na pinakamahigpit dapat ang seguridad ay kahiya-hiyang natakasan ng isang PDL.
Dahil dito, iginiit ni Dela Rosa na may ulong dapat na gumulong sa naturang kapalpakan sa seguridad sa mga kulungan.
Sinabi ng senador na kailangang magsagawa ng malalimang imbestigasyon upang alamin kung aabot hanggang kay BuCor Director General Gregorio Catapang Jr., ang command responsibility ng dapat na managot.
Hindi pa matiyak ni Dela Rosa kung ‘off the hook’ o lusot sa nangyaring insidente ang BuCor Chief dahil ang rason naman dito ni Catapang ay may level of chain of command na sinusunod at hindi umano siya ang direktang namamahala sa kulungan.