Nagbaba ang lokal na pamahalaan ng Bayambang ng isang kautusan na kailangang magprisenta ng health card ang mga nagtitindang nag-iikot ikot sa bawat barangay upang magbenta.
Bilang karagdagang precautionary measure na ginagawa ng lokal na pamahalaan ng Bayambang sa paglaban sa pagtaas ng kaso ng tinatamaan ng COVID-19, lahat ng ambulant vendors, mobile market vendors, promodisers at iba pa na nagbibigay at nag aalok ng mga produkto at serbisyo sa bawat barangay ay kinakailangan na magpresenta ng health clearance na nagmula sa Rural Health Unit at ang Rapid Antigen Test Result na kinuha mula sa tatlong araw sa Barangay Council bago mag-ikot at maglako dito.
Bago pa nito ay ibinaba sa kada kapitan ng pitumpu’t pitong barangay ng bayan ang circular letter mula sa pamahalaang lokal para ipabatid ang kautusan.
Kaugnay nito, pinayuhan ang mga barangay kapitan at mga namumuno sa kada barangay na maging mapagmatiyag sa mga tinatanggap na bisita at nagtutungo sa mga lugar dito partikular na ang mga nagmumula sa ibang probinsiya.
Ang pagpapatupad umano nito ng lokal na pamahalaan upang maibsan ang pagdami pa ng kaso ng COVID-19 sa buong munisipalidad ng Bayambang.
Inaasahan naman umano na susunod at makikiisa ang lahat ng residente at publiko sa aksyon na ito ng bayan ng Bayambang ngayong panahon ng pandemya