Quezon City – Magpapakalat na rin ng Malasakit Center sa Quezon City na proyekto ng Duterte administration.
Ang one-stop shop na health center ay itatayo sa Novaliches District Hospital na layong matulungan ang mga mahihirap na mamamayan sa kanilang mga gastusing medikal.
Partikular ang tulong pangkalusugan at pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) at Philippine Health Insurance Corp.
Ipapatupad din nito ang isang ‘singular requirement system’ upang mas mapabilis at mapadali ang proseso ng mga dokumentong kailangan ng mga ahensya.
Hindi na kailangan pang pumila sa iba’t-ibang mga ahensyang nagbibigay ng tulong lalo na ang mga persons with disabilities o PWD at senior citizens.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 15 Malasakit Center sa bansa, at karamihan dito ay matatagpuan sa Visayas at Mindanao.