Health Committee chairman, nakukulangan sa ilang hakbang ng DOH laban sa nCoV

Nakukulangan si House Committee on Health Chairman at Quezon Representative Angelina Tan sa hakbang na ginawa ng Department of Health (DOH) sa pagtitiyak na maiiwasan ang pagkalat ng 2019 novel corona virus – acute respiratory disease (nCoV-ARD).

Inamin ni Tan na bagamat ginagawa ng DOH ang lahat ng paraan laban sa nCoV ay may mga loopholes o butas ang ahensya para sana hindi nakalusot at naagapan ang kaso ng nCoV sa bansa.

Nababagalan si Tan sa contact tracing sa mga pasahero at iba pang taong nakasalamuha ng dalawang Chinese na nagpositibo sa virus.


Napuna din ng kongresista na hindi alam ng mga regional offices ng DOH ang gagawin matapos na maglanding ang eroplanong sakay ang dalawang Chinese na nagpunta pa ng Cebu at Dumaguete bago na-admit sa pagamutan.

Apela ni Tan sa DOH na paigtingin ang contract tracing at iparating ng ahensya ang tamang impormasyon sa mga tauhan ng regional at local department nito.

Hindi rin sang-ayon si Tan na sa San Lazaro General Hospital dinala ang dalawang nCoV positive patients kung saan mas mabuti umanong sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ginamot ang mga ito.

Sa RITM aniya dapat gawin ang paggagamot o pag-obserba sa sinumang pasyente na mayroong matinding karamdaman at dapat maihiwalay sa ibang pasyente upang maiwasang makapanghawa.

Hinikayat din ng mambabatas ang mga medical organizations na agad ipagbigay alam sa DOH kung may malalamang panibagong kaso ng NCOV.

Facebook Comments