Nagpaalala ang ilang health experts sa bansa para sa mga Pilipinong nakatanggap na ng unang dose ng bakuna kontra COVID-19 at naghihintay na lamang ng oras at panahon na matanggap ang kanilang second dose.
Kasunod ito ng ulat ng Department of Health (DOH) na nasa 113,000 indibidwal o 9% ang naantala sa pagtanggap ng second dose ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Dr. John Wong, isang Epidemiology and Data Analytics Expert mula sa Inter-Agency Task Force (IATF), hindi dahilan ang bigong pagtungo sa nakatakda nang vaccine appointment para makakumpleto na sa bakuna.
Maaari pa rin kasi aniyang magtungo ang mga ito sa kanilang mga vaccination centers sa lalong madaling panahon na makakatulong sa pagpapalakas ng immunity.
Maliban kay Wong, una na ring nagpaalala si DOH Secretary Francisco Duque III sa mga bigong makatanggap ng second dose na gumawa na ng appointment sa kanilang mga local Government Units (LGUs) para sa ikalawang dose.