Health frontliners, mas uunahin sa vaccination kaysa sa mga ‘influencer’ – Malacañang

Muling iginiit ng Malacañang na prayoridad sa COVID-19 immunization program ng pamahalaan ay ang mga health frontliners kaysa sa mga ‘influencers’ sa bansa.

Ito ang pahayag ng Palasyo matapos ibasura ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) for COVID-19 vaccine ang proposal ng Inter-Agency Task Force (IATF) na maglaan ng 50 vaccine shots sa mga influencer.

Ang 50 maimpluwensyang personalidad ay kinabibilangan nina Pangulong Rodrigo Duterte, ilang miyembro ng Gabinete, mambabatas, local government officials at mga celebrity.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, tutol ang NITAG na mauna sa pila ng bakuna ang ibang tao.

Aniya, hindi na nakipag-argumento ang IATF sa mga experts panel hinggil dito dahil alam nilang kailangang mabakunahan ang mga health professionals lalo na at simula’t sapul ay sila ang lumalaban sa pandemya.

Facebook Comments