Pinabibigyan ni Quezon City 5th District Representative Patrick Michael “PM” Vargas ng health insurance ang mga pampublikong guro sa ilalim ng Department of Education (DepEd).
Nakapaloob ito sa inihain ni Vargas na House Bill 4074, o “Health Care for Public School Teachers Bill”,
Inaatasan ng panukala ni Vargas ang DepEd na humanap ng health maintenance organization na accredited sa lahat ng ospital sa buong bansa para magkaloob ng health insurance sa mga public school teacher.
Ang hakbang ni Vargas ay kasunod ng nangyaring aksidente ng bus sa Orani, Bataan sakay ang 48 mga guro kung saan isa sa kanila ang nasawi at marami ang nasugatan.
Nagpahayag na ng pakikiramay si Vargas at nagbigay ng tulong sa siyam na nasugatang mga guro na pawang mga taga-Quezon City.
Diin ni Vargas, ang nabanggit na aksidente ay patunay na kailangang protektahan ang kalusugan at maayos na kondisyon ng ating mga guro dahil sila ang sandigan ng ating education sektor.