Kinastigo ang health minister ng New Zealand matapos magtungo sa beach kasama ang kanyang pamilya, ilang araw mula nang ipatupad ang lockdown dulot ng COVID-19.
Sa inilabas na pahayag ni David Clark, aminado siyang paglabag sa lockdown protocol ang pagmamaneho niya nang 20km mula sa kanilang bahay sa Dunedin patungo sa Doctor’s Point Beach.
“I’ve let the team down. I’ve been an idiot, and I understand why people will be angry with me,” saad ng opisyal nitong Martes.
Sinabi naman ni Prime Minister Jacinda Ardern sa isang news conference na tinanggihan niya ang alok ni Clark na magbitiw sa puwesto dahil sa insidente.
“Under normal circumstances I would sack the minister. What he did was wrong and there are no excuses,” ani Ardern.
Mananatili umano ang tungkulin ng opisyal bilang health minister dahil hindi umano makabubuting mabuwag ang naturang sektor ngayong may kinahaharap na pandemic.
Gayunpaman, nilinaw ni Ardern na nararapat parusahan si Clark sa paglabag kaya tatanggalin niya ang opisyal bilang associate finance minister at ibababa sa dulo ng Cabinet rankings.
Prayoridad pa rin daw ng prime minister na malampasan ng New Zealand ang COVID-19.
Sa ngayon, mayroong 1,210 confirmed COVID-19 cases sa nasabing bansa, isa rito ang naitalang pumanaw, ayon sa Johns Hopkins University.