Health protocol violators, hindi agad ikukulong – Guevarra

Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na hindi agad ipapakulong ang mga inaresto dahil lumabag sa health protocols tulad ng hindi pagsusuot ng face masks.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, kapag ipinasok agad sa kulungan ang mga violators ay mawawalan ng saysay ang layuning mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Dati aniya inirekomenda na ang mga maaarestong violators ay dapat ilagay sa isang open area para sa booking at initial investigation.


Ang procedure na ito ay alinsunod sa joint memorandum circular (JCM) patungkol sa apprehension at investigation ng mga taong lumabag sa health at quarantine protocols.

Nilagdaan na ni Guevarra ang JCM noong May 28 at agad na ipapatupad kapag nilagdaan na ito ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año at Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar.

Ang guidelines ay magsisilbing paalala sa law enforcement patungkol sa kasalukuyang health protocols at measures maging ang tamang pag-aresto sa mga violators.

Ipinaalala rin ng DOJ sa mga law enforcement officers na may umiiral pa ring ordinansa ang kanilang lokal na pamahalaan.

Sakop din ng guidelines ang mga barangay officials na bigong magpapatupad ng health protocols tulad ng pagbabawal sa mass gatherings.

Facebook Comments