Iginiit ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang pangangailangan na pasadahan ang mga umiiral na health protocols, upang mai-adjust at makatulong sa mabilis na pagpapasigla ng ekonomiya.
Pangunahing, inihalimbawa ni Lacson na dapat repasuhin ay ang hindi bababa sa pitong araw na hotel quarantine requirement sa mga dumarating sa bansa bago sila isailalim sa COVID RT-PCR swab test.
Paliwanag ni Lacson, nagiging dahilan ang mga ganitong hindi praktikal na patakaran ng pag-iwas ng ilang dayuhang mamumuhunan na bumalik para ituloy ang pagnenegosyo sa bansa.
Una rito ay iminungkahi ni Lacson ang pagkakaroon ng vaccine passport system sa mga ganap nang bakunado na umuuwing Overseas Filipino Workers (OFWs), mga balikbayan at mga pumapasok na negosyante.
Kaugnay nito ay umaasa si Lacson na tutuparin ng Inter-Agency Task Force ang pangako nito sa Senado na muling pag-aralan ang mga umiiral na health protocols.
Samantala, muli ring nanawagan si Lacson sa publiko na magpabakuna bilang pagsang-ayon sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng mamamatay ang mga ayaw sa bakuna.