Nagbabala si Pasay Tricycle and Pedicab Franchising and Regulatory Office (TPFRO) Chief Ace Sevilla na hindi nila papayagang bumiyahe ang mga tricycle at pedicab na kolorum o walang prangkisa at “body markings.”
Ang mga pedicab din aniya ay hindi pwedeng dumaan sa mga main road.
Nilinaw din nito na hindi pinapayagang mamasada ang electronic vehicles (e-trikes at e-bikes) na kinabitan ng sidecar.
Ayon pa kay Sevilla, ang mahuhuling lalabag sa nasabing guidelines ay mahaharap sa kaukulang penalty, bukod sa mai-impound ang kanilang unit ng tatlo hanggang apat na lingo.
Una nang nagdesisyon ang Pasay City Council na payagan na ang pagbiyahe ng mga tricycle at pedicab sa lungsod basta’t naaayon sa health protocols.
Kabilang dito ang pagsusuot ng face masks ng driver at pasahero; paglalagay ng alcohol sa sasakyan; pagkakabit ng plastic shield sa pagitan ng driver at pasahero; pagsusuot ng gloves ng mga driver; at regular na pag-disinfect ng kanilang mga unit.