Health protocols, kailangan pa ring sundin sa “new normal” areas – Cabinet Secretary Nograles

Photo Courtesy: Medical Laboratory Observer

Iginiit ni Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles na kailangan pa ring sundin ang health protocols kahit nagdesisyon ang pamahalaan na ilagay ang isang COVID-free area sa ilalim ng “new normal” classification.

Sinabi ni Nograles na ang panukalang new normal status para sa mga lugar na zero ang COVID-19 transmission ay magiging maluwag pero sasailalim pa rin sa health at safety standards para maiwasan ang pag-usbong ng sakit.

Ang post-community quarantine status ay tatalakain ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).


Bago ito, inanunsyo ng Malacañang na plano ng pamahalaan na maglunsad ng “new normal” classification sa mga lugar na walang kaso ng COVID-19.

Sa ilalim ng omnibus guidelines ng pamahalaan sa community quarantine, ang mga lugar kung saan walang idineklarang community quarantine ay ikinokonsiderang “new normal” area.

Ang “new normal” ay pag-uugali at sitwasyon kung saan nagiging pangkaraniwan na o nakakasanayan ng mga tao ang pagsunod sa minimum health standards habang hindi tuluyang natatalo ang virus sa pamamagitan ng malawakang pagbabakuna.

Facebook Comments