Hinaharang ng mga pulis na nakabantay sa checkpoint ng boundary ng Marikina at Cainta, Rizal upang paalalahanan kaugnay sa health protocols ang mga motoristang dumadaan sa nasabing checkpoint.
Bawat motoristang pumapasok sa Marikina ay hinahanapan ng ID, work permit at tinatanong kung saan papunta at ano ang gagawin o sadya.
Kaya naman lahat ng mga motoristang dumadaan ay kailangan huminto para matiyak na kasama sila sa essential workers.
Pero nilinaw ng mga pulis sa checkpoint na hindi ito kasama sa ipinatutupad na National Capital Region (NCR) bubble dahil ang Marikina at Rizal ay kabilang pa rin sa bubble.
Anila, ito ay para lang mabigyan ng paalala ang mga motorista na sumunod sa mga health protocol, kabilang na rin ang pag patupad ng anti-criminality campange at police visibility.
May dala-dalang yantok ang mga pulis para naman sa pagpatupad ng social distancing.
Hindi naman apektado ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng Marcos Highway sa Marikina sa kabila ng ipinatutupad na checkpoint sa boundary ng Cainta, Rizal at lungsod ng Marikina.