Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na magiging mas mahigpit ang pagpapatupad nito ng pandemic protocols sa kabila ng pagbabalik ng Metro Manila at ilan pang lalawigan sa General Community Quarantine (GCQ) simula bukas.
Ito ay kasunod na rin ng hiling ng mga alkalde sa National Capital Region (NCR) na lalong higpitan ang quarantine protocols kumpara sa kung paano ito ipinatupad noong unang isailalim sa GCQ ang Metro Manila.
Ayon kay Joint Task Force COVID-19 Shield Commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar, wala na munang “warning-warning”.
Aniya, tapos na ang puro paalala at dapat nang sumunod ang publiko sa ipinapatupad na mga ordinansa at batas para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 gaya ng pagsusuot ng face masks at face shields at pagsunod sa social distancing at curfew.
“Binaba man ang ating quarantine status from MECQ to GCQ para pagbigyan ang muling pagbuhay ng ekonomiya, pero tatapatan natin ‘yan ng mahigpit na pagpapatupad nito [pandemic protocols]. Eh talagang i-impose natin ‘yung mga existing ordinances and other rules and laws. So, wala na munang warning-warning,” ani Eleazar.
Samantala, magpapatuloy rin ang random at mobile checkpoints sa bawat rehiyon.
Nakikipag-ugnayan na rin ang task force sa mga lider ng tricycle at jeepney associations para makatuwang ng pulisya sa pagpapatupad ng quarantine guidelines lalo’t balik-kalsada na rin ang public transportation sa ilalim ng GCQ.