Pinahihigpitan ni Philippine National Police (PNP) chief General Guillermo Eleazar sa kanyang mga tauhan sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagpapatupad ng mga health protocol.
Ito ay matapos ang insidente sa Delpan Sports Complex sa Maynila kung saan dumagsa ang senior citizens para kumuha ng ayuda ngunit hindi naipatupad ang health protocols gaya ng social distancing at pagsusuot ng face masks.
May mga naiulat pa na may ilang nakaranas ng hirap sa paghinga habang nasa loob ng Delpan Sports Complex.
Kaya naman ayon kay PNP chief, pinapatutukan nya sa kanyang mga tauhan ang mga ginagawang distribusyon ng ayuda ng mga Local Government Unit (LGU) para makapag-deploy ng sapat na tauhan.
Sinabi pa ni Eleazar na nasa gitna tayo ng pandemya at bilang taga-pagpatupad ng batas kaya dapat aniya nilang matiyak na hindi na mauulit pa ang insidenteng ito.
Paalala naman ni PNP chief sa mga taga-Metro Manila na nasa Alert Level 4 ang NCR at hindi pinapayagang lumabas ng bahay ang may edad 18 taong gulang pababa at 65 taong gulang pataas at ang mga indibidwal na may comorbidities.
Apela ni PNP chief sa publiko na sumunod sa instructions ng mga local executives sa pamamahagi ng ayuda.