“Unfortunate”
Ito ang tugon ni Health Secretary Francsico Duque III matapos siyang isama sa rekomendasyon ng Senado na sampahan ng criminal charges dahil sa mga anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Nakasaad sa rekomendasyon ng Senate Committee of the Whole na bukod kay Duque, pinasasampahan din ng kaso si resigned PhilHealth Chief Ricardo Morales at iba pang opisyal dahil sa ilegal na pagpapatupad ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM).
Ayon kay Duque, wala siyang kinalaman sa mga iregularidad sa IRM.
Aniya, wala siya noong nagkaroon ng deliberasyon at wala rin siyang pinirmahang Board Resolution.
Iginiit din ni Duque na hindi ito ang tamang panahon para magbanggaan ang dalawang sangay ng pamahalaan.
Gayumpaman, handa si Duque na makipagtulungan sa anumang imbestigasyon para linisin ang kaniyang pangalan.
Una nang sinabi ni Senator Panfilo Lacson na walang basehan ang pagpapatupad ng IRM dahil ang mga pondo ang inilalabas sa mga ospital bago ang pagpapatupad ng Board Resolution.