Itinanggi ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na may nangyaring “dropping of the ball” kaugnay sa negosasyon ng gobyerno at Pfizer para sa bakuna sa COVID-19 .
Ito ay matapos sabihin ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin Jr., na “someone dropped the ball” na ang pinatutukuyan umano ay isang DOH official base na rin sa kumpirmasyon ni Philippine envoy to the United States Jose Manuel “Babe” Romualdez.
Ayon kay Duque, tuloy-tuloy ang negosasyon at ang DOH ay dumadaan sa proseso ang kasunduan.
Ito aniya yung mga pabalik-balik na tinitignang conditionalities na nakapaloob sa Confidentiality Disclosure Agreement (CDA).
Paliwanag pa ng kalihim, September 24 lamang naabisuhan ang kagawaran ng Pfizer na ang DOH na ang lalagda sa kasunduan at hindi na ang Office of the Executive Secretary at Science and Technology Department.
Tuloy-tuloy lang din aniya ang kanilang mga pagsusuri sa conditionalities, provisions at nais lamang nilang matiyak na hindi dis-advantageous sa gobyerno ang mga probisyon.
Giit pa ni Duque, walang nangyaring ‘dropping the ball’ dahil nang isumite sa kanya ang CDA noong October 20 ay kanya itong nilagdaan.
Maging ang Vaccine Czar ay lumagda na rin ng CDA sa Pfizer nitong Nobyembre.