Health Sec. Duque, payag na bigyan ng emergency powers si Pangulong Duterte para tugunan ang problema sa PhilHealth; pagkakadawit naman nito sa iregularidad ng ahensya, itinanggi ng kalihim

Sang-ayon si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na bigyan ng dagdag na kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte para solusyunan ang problemang kinakaharap sa PhilHealth.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committees on Public Accounts at Good Government and Public Accountability sa mga katiwalian sa PhilHealth, tinanong ni Public Accounts Chairman Mike Defensor si Duque kung papayag ito na bigyan ng “emergency powers” ang Pangulo para tugunan ang corruption issues ng state health insurer.

Agad namang kinatigan ni Duque ang rekomendasyon ng mga kongresista at naniniwala siyang mas mapapabilis ang reporma sa PhilHealth kung mabibigyan ng emergency powers si Pangulong Duterte.


Samantala, sa simula pa lamang ng pagdinig ay agad na itinanggi ni Duque na sangkot siya sa katiwalian sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM) sa COVID-19.

Katwiran ni Duque, hindi siya nakasama sa mga bumuo ng board resolution sa IRM dahil masyado siyang abala sa DOH at nakafocus siya sa Inter-Agency Task Force (IATF) para tugunan ang problema sa COVID-19 pandemic.

Paglilinaw pa ni Duque, hindi siya kasama sa board nang pirmahan ang IRM para sa case rates ng COVID-19 at hindi rin niya ito napag-aralan.

Facebook Comments