Pumalag si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin Jr., na may nag-drop the ball sa offer na 50 million syringes o hiringgilya na magagamit sana sa pagbabakuna sa bansa.
Ayon kay Duque, puro kasinungalingan at walang katuturan ang sinabi ni Locsin dahil sumunod lamang sila sa Republic Act 9184 o yung Government Procurement Act.
Batay kasi sa nais ni Locsin, sinabi ni Duque na nais nitong taasan ang ibi-bid na presyo sa naaprubahang budget ng DOH sa pagbili ng hiringgilya.
Pero hindi aniya ito pwede dahil lalabag na ito sa batas.
Sa ngayon, nakatakdang magpulong sina Duque at Pangulong Rodrigo Duterte upang pag-usapan ang isyu sa hiringgilya.
Bukas naman ang kalihim sa anumang paglilinaw na hihingin ni Locsin dahil aniya, parehas lamang silang nasa administrasyon.