Tiniyak ni Health Secretary Francisco Duque III sa Senado na dadalo siya sa pagdinig ngayong araw hinggil sa mga anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Nabatid na nagpa-self quarantine si Duque matapos magpositibo muli sa COVID-19 si Interior Secretary Eduardo Año.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, Chairperson ng Senate Committee of the Whole, kinumpirma sa kaniya ni Duque na sisipot siya sa pagdinig sa pamamagitan ng virtual conference.
Para kay Senator Panfilo Lacson, hindi maituturing na excuse kay Duque na hindi dumalo sa Senate inquiry dahil lamang nagkaroon siya ng exposure sa virus.
Ipinatatawag ng Senado si Duque bilang concurrent Chairperson ng PhilHealth Board of Directors, kung saan dapat alam nito ang mga programa at transaksyon na nangyayari sa ahensya.
Kabilang sa mga iniimbestigahan sa PhilHealth ay ang overpriced IT system procurement plan, kwestyunableng Interim Reimbursement Mechanism (IRM) at maling paggamit ng pondo nito.