Aminado si Health Secretary Francisco Duque III na nahihirapan na siya sa alegasyon ng korapsyon sa ilalim ng kanyang ahensya kaugnay sa inilabas na 2020 Commission on Audit (COA) report na P67.32 billion deficiency ng Department of Health (DOH) sa COVID-19 response.
Hindi naiwasang maging emosyonal ni Duque sa harap ng panel ng House Committee on Public Accounts bunsod na rin ng mga ibinabatong isyu sa kanyang ahensya.
Giit ni Duque, nitong mga nakalipas na araw ay hindi na siya nakakatulog maging ang kanyang personnel dahil sa kahihiyang inabot ng ahensya sa nasabing audit report.
Sinabi pa ni Duque na winarak ng COA ang kanilang dangal matapos ilabas ang audit report na hindi pa naman talaga pinal.
Himutok ng kalihim, ang ginawang judgement sa kanila dahil sa kagagawan ng COA ay unfair at unjust dahil hindi man lang hinintay na maisumite ng DOH ang lahat ng mga dokumentong kailangan sa loob ng 60 araw na palugit.
Sinabi pa ni Duque na hindi man lang naisip ng COA na sila ay nag-o-operate sa ilalim ng health emergency at hindi madali ang obligasyong iniatang sa ahensya.
Dagdag pa ng Health secretary, masakit talaga para sa kanila ang mga natatanggap na pag-atake ngayon dahil sila ang pangunahing ahensya na humaharap sa pandemya.
Tulad din aniya sa ibang tanggapan, apektado rin ng pandemya ang kanilang pagkilos dahil marami na sa kanyang tauhan ang nagkasakit, na-ospital at nasawi dahil sa COVID-19.