Health Secretary Francisco Duque III, ininspeksyon ang isang palengke sa Makati City; Ilang mga probinsiya na hindi pumayag na isauli ang bakuna, muling kakausapin ng kalihim

Personal na nag-ikot si Health Secretary Francisco Duque III sa Guadalupe Market sa Brgy. Guadalupe Nuevo sa Makati City para mag-inspeksyon at malaman kung nakakasunod ang pamunuan ng palengke sa ipinapatupad na health protocols.

Bukod sa pagpapaalala, namigay rin si Duque ng face shield sa mga nakakasalubong nitong indibidwal na walang suot nito.

Nasiyahan naman si Duque sa inilatag na health protocols kung saan nakiusap siya sa mga vendor at pamunuan ng palengke na panatilihin sana ito.


Bukod dito, patuloy ang gagawing pag-iikot ni Duque sa mga lungsod na may matataong lugar para malaman kung nasusunod nila ang ipinapairal na health protocols.

Hinggil naman sa isyu ng pagtanggi ng League of Provinces the Philippines (LPP) na isauli ang mga bakuna para magamit sa National Capital Region (NCR) muling iginiit ni Duque na makikusap siya sa mga ito para maibalik ang mga bakuna.

Ayon sa kalihim, muli niyang kakausapin ang mga opisyal ng probinsiya na may mga mababang kaso na ibalik na lamang ang bakuna upang hindi masayang at magamit sa karapat-dapat na nangangailangan partikular sa NCR.

Inihayag pa ni Duque na inaasahan ng pamahalaan na darating sa bansa sa mga susunod na linggo ang nasa 2.3 milyon na bakuna na agad na ibibigay sa mga medical frontliner.

Sakali namang sumobra ang suplay ng mga bakuna na makukuha, agad aniya nilang isusunod ang pagbabakuna sa mga senior citizen.

Facebook Comments