Tiniyak ni Health Secretary Francisco Duque III sa mga kongresista na hindi magpapahuli ang Pilipinas pagdating sa access sa COVID-19 vaccines.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Kamara sa corruption issues sa PhilHealth, binusisi ni Deputy Speaker Dan Fernandez ang lagay o progress ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Duque, sa ngayon ay may 142 vaccine candidates na nasa pre-clinical trial phase at mayroong 31 na iba pang vaccine candidates ang nasa stage na ng clinical human trial kung saan anim dito ay mula sa China.
May anim din na bakuna ang nasa stage 3 na ng clinical trial at ito ay maiging binabantayan ng Department of Health (DOH) at World Health Organization (WHO).
Samantala, siniguro naman ni Duque sa mga kongresista na hindi basta-basta mag-aangkat ng bakuna ang bansa kung walang certificate of good distribution of practice at certificate of good manufacturing practice.