Inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III na nakahanda siya na unang maturukan ng COVID-19 vaccine sakaling mayroon na nito sa bansa.
Ayon kay Duque, ito ay upang masiguro sa publiko ang kaligtasan ng bakuna at bilang tugon na rin sa hamon ni Senator Christopher ‘Bong’ Go na dapat sila ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. ang unang mabakunahan.
Sa isang panayam, sinabi ni Duque na basta’t sumailalim sa evaluation ng Vaccine Experts Panel (VEP) ng Department of Science and Technology (DOST) ang magiging bakuna ay walang problema kung siya ang unang matuturukan ng COVID-19 vaccine.
Kasunod nito, hinikayat din ni Duque ang mga kapwa miyembro ng gabinete na boluntaryo ring magpabakuna.
Sa ngayon ay kinakailangan munang makapasa sa tatlong stage ang isang COVID-19 vaccine bago ito payagang ibenta sa merkado sa Pilipinas.