Maaring kasuhan si Health Secretary Francisco Duque III ng gross and inexcusable negligence sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ayon kay Senator Francis ‘Kiko’ Pangilinan, ito ay kung totoo na nagpabaya si Duque kaya napurnada ang delivery sana ng 10-milyong COVID-19 vaccine mula sa Pfizer sa Enero ng susunod na taon.
Diin ni Pangilinan, ang pagpapabaya ay isang krimen na nagdudulot ng pinsala sa gobyerno o sa publiko.
Sinabi ito ni Pangilinan, makaraang matukoy na ang pagpalya umano ni Duque na ibigay sa Pfizer ang documentary requirement na Confidential Disclosure Agreement ang dahilan kaya nadiskaril ang transaksyon sa pagbili ng bansa ng COVID-19 vaccine.
Umaasa si Pangilinan na hindi kickback ang dahilan ng ginawa ni Duque.
Diin ni Pangilinan, milyon-milyong buhay at hanapbuhay ng mga Pilipino, at trilyon-trilyong pisong economic activity ang nakataya kaya hindi dapat mabigo ang vaccine rollout nang dahil sa kurakot o kapalpakan.