Iaakyat ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa priority list ng COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.
Ito ang naging tugon ni Duque sa naging tanong ni OFW Family PL Representative Bobby Pacquiao sa pagdinig ng Committee on Overseas Workers Affairs, kung posible bang maiangat ang mga OFW sa listahan ng mga prayoridad na mabakunahan.
Ayon kay Duque, pangangatawanan niya ang Inter-Agency Task Force (IATF) para maitaas ang prioritization framework ng mga OFW mula sa B6 ay itataas ang mga OFW sa A4 priority list.
Sa katunayan aniya ay nagpulong siya kasama ang National Economic Development Authority (NEDA) at napagkasunduan na iangat ang kategorya ng mga OFW sa vaccination program.
Posible ring mapasama sa prayoridad na mabakunahan ang mga OFW na healthcare workers, mga senior citizen at may comorbidities.
Sa Lunes ay nakatakdang magpulong ang IATF tungkol dito at ilalatag ni Duque ang nasabing usapin para sa kapakanan ng mga OFW.
Inaasahang sa Semana Santa ay makapaglabas na ng desisyon dito ang IATF lalo pa at wala namang nakikita si Duque na problema rito.