Kinalampag ni Senator Risa Hontiveros ang pamahalaan na i-review at higpitan ang mga health security at safety protocols sa bansa kasunod na rin ng paglobo ng mga kaso ng COVID-19 sa mainland China.
Umapela si Hontiveros kay Pangulong Bongbong Marcos na bago sana ito magtungo sa China sa susunod na taon para sa nakatakdang state visit ay mabigyan ng dagdag na layer ng proteksyon ang mga Pilipino at mapaghandaan ang inaasahang dagsa ng mga turistang bisita ngayong holiday season.
Inirekomenda ng senadora sa Inter-Agency Task Force (IATF) na suriin at i-update ang color-coded travel restrictions ng bansa para sa inaasahang pagtaas ng bilang ng mga foreign travelers.
Pinaglalatag din ng mambabatas ang gobyerno ng ‘single destination entry’ o iisang pasukan lamang sa bansa para sa mga turistang mula sa mga bansang may mataas na kaso ng COVID-19.
Dapat din aniya na may sapat na kakayahan ang bansa na tumugon sa kakailanganing testing, tracing at treatment laban sa sakit.
Giit ni Hontiveros, naranasan na natin ang sitwasyon kung saan hindi agad naisara ang mga border at marami ang nagkasakit at nasawi kaya’t dapat ay natuto na ang bansa sa naging karanasang ito.