Para masiguro na magkakaroon ng mas maayos na benepisyo ang mga pulis pagdating sa kanilang kalusugan lalo na ngayong may COVID -19 pandemic, pumasok sa isang kasunduan ang Philippine National Police (PNP) at Makati Medical Center Foundation.
Mismong sina PNP Chief Gen. General Camilo Pancratius Cascolan at Makati Medical Center Foundation Chairman Manuel “Manny” Pangilinan ang pumirma sa Memorandum of Agreement (MOA) na ginawa ang seremonya kaninang umaga sa Camp Crame.
Layunin ng partnership ang pagbibigay ng tulong pangkalusugan sa mga pulis lalo na ang mga frontliner cops na ngayon ay patuloy na nakadeploy para mahigpit na ipatupad ang mga quarantine protocols sa kabila na mataas pa rin ang banta ng COVID-19.
Sinabi ni Cascolan, malaki ang benepisyo nito dahil magkakaroon nang dagdag na wellness at healthcare ang kaniyang mga tauhan.
Sa ngayon, mayroon nang 4,785 na pulis ang positibo sa COVID-19 sa bilang na ito 3,337 ang gumaling na sa sakit.