Nasa high risk na ang healthcare capacity sa Cordillera Administrative Region (CAR) bunsod ng tumataas na kaso ng COVID-19.
Sa isang panayam, sinabi ni Health Undersecretary Leopoldo Vega na karamihan sa mga kaso, mapa-asymptomatic man o may mild symptoms, ay ina-admit na sa mga ospital dahil sa kakulangan sa isolation facilities.
Dahil dito, umabot na sa 70% o higit pa ang healthcare utilization sa rehiyon.
Ayon kay Vega, nakikipagtulungan na ang Department of Health (DOH) sa lokal na pamahalaan sa pagtukoy at pagpapagawa ng isolation facilitis para mabawasan ang bilang ng mga pasyenteng nasa mga ospital.
Nabatid na epektibo bukas, February 1, isasailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ang CAR.
Kaugnay nito, magpapatupad ng mas mahigpit na border control sa pagitan ng Benguet at Mountain Province.
Sinabi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na ang mga biyaherong papasok sa Benguet at Mountain Province ay kinakailangang magpakita ng medical clearance at tanging mga essential travel lamang ang papayagan.
Una rito, 12 kaso ng COVID-19 UK variant ang na-detect sa Bontoc, Mountain Province kung saan noong Lunes ay kinumpirma ng DOH na nagkaroon na ng local transmission nito sa lugar.