Tutol ang grupong Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 (HPAAC) sa desisyon ng Department of Transportation (DOTr) na bawasan ang physical distancing rule sa mga public transportation.
Ayon kay Dr. Antonio Dans, tagapagsalita ng grupo ng health care workers, hindi pa dapat magbawas ng sukat ng social distancing sa mga public transport dahil nananatili pa rin ang mataas na banta ng hawaan ng COVID-19.
Sa isang online forum, nais nilang humingi ng pagkakataong makausap ang mga kinatawan ng Inter-Agency Task Force for Emerging on Infectious Disease (IATF-EID) upang ipaliwanag ang mas malalang hawaan kapag magkakadikit ang mga pasahero.
Ito ay kahit may health protocols na ipinatutupad tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at pagkuha sa body temperature ng mga pasahero.
Bagama’t mayroong flattening of the curve na naitatala sa hawaan ng virus, ngunit ang pagbabawas sa social distancing ay hindi makakatulong bagkus maaari pa itong makapagpataas ng mga mahahawaan.
Ngayong araw, ipinatupad na ng DOTr ang 0.75 meter mula sa one (1) meter na social distancing upang mas maisakay ang maraming pasahero.
Sabi naman ni DOTr Spokesman Goddes Hope Libiran, mahigpit ang gagawin nilang monitoring sa bagong sukat ng physical distancing sa loob ng mga public transport at kung tataas ang hawaan ng virus ay maaari nilang ibalik sa one meter distance ang agwat ng mga pasahero.