Patuloy pa rin ang mahigpit na laban ng Pilipinas sa COVID-19 pandemic kung saan pinaghahanda ang mga healthcare worker at mga pasilidad sa posibleng paglobo pa ng mga kaso.
Ito ang sagot ng Department of Health (DOH) sa tanong kung nananalo na ba ang bansa sa laban nito kontra sa virus outbreak.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, pinapalakas pa rin ang healthcare system dahil posibleng dumagsa ang mga pasyenteng tatamaan ng sakit.
Sinabi ni Vergeire na makatutulong ang pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) para mapabuti pa ng pamahalaan ang contact tracing efforts nito at magpadala ng healthcare teams sa mga rehiyon kung saan hindi na kinakaya ng healthcare workers na nakatalaga roon.
Para kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr., hindi pa rin nananalo ang Pilipinas sa laban dahil nasa critical phase pa lamang ang bansa pagdating sa management ng krisis.
Aminado si Galvez na babagsak ang ekonomiya ng bansa kapag inilagay pa sa panibagong ECQ ang Metro Manila.
Naniniwala si Galvez na tama lamang ang ginawang pasya ni Pangulong Duterte na ibalik sa MECQ ang NCR habang dine-develop pa ang bakuna laban sa COVID-19.
Sa huling datos ng DOH, umabot na sa 106,330 ang kabuuang COVID-19 cases sa bansa na may 38,405 active cases.
Nasa 65,821 ang gumaling at 2,104 ang namatay.