Nasa 57-percent na lamang ang healthcare utilization rate (HCUR) sa National Capital Region (NCR).
Batay sa datos ng Department of Health (DOH) mula nitong May 2, 70-percent ng ICU beds sa Metro Manila ang nagagamit, 50-percent ng isolation beds ang nagagamit, 62-percent ng ward beds ang okupado, habang 54-percent ng ventilators ang nagagamit.
Ayon kay Health Undersecretary Leopoldo Vega, tumaas ang healthcare capacity ng mga medical facilities sa rehiyon para mas maraming COVID-19 patients ang ma-admit.
Dagdag pa ni Vega, karagdagang ICU beds ang idineploy sa iba’t ibang ospital sa NCR.
Mula sa 781 total ICU bed capacity noong Marso ay itinaas ito sa 1,148 beds.
Bukod dito, tumaas ang isolation bed capacity sa Metro manila kasunod ng deployment ng karagdagang 554 isolation beds.
May itinatayo ring 110-bede capacity modular field hospital sa Lung Center of the Philippines at 220-bed capacity modular field hospital sa National Center for Mental Health.
Ang modular hemodialysis facility sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) ay papasinayaan ngayong araw para sa mga kidney patients na sumasailalim sa hemodialysis.