Dumating na sa Metro Manila ang mga doktor, nurse at medical technologists mula sa Central Visayas na tutulong sa mga ospital dahil sa COVID-19 cases surge.
Pasado alas-5:00 Martes ng hapon nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang nasa 35 nurses, siyam na doktor, apat na medical technologists at dalawang medical officers.
Ayon kay Department of Health (DOH) Region 7 Dr. Lou Llanes, ang mga ito ay nagboluntaryo para tugunan ang kakulangan ng mga oktor, nurse at med tech sa iba’t ibang ospital sa Metro Manila.
Bagama’t tutol ang kanilang pamilya sa pagpunta sa Metro Manila, mas nanaig aniya ang kanilang pagnanais na makatulong dahil kasama ito sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Sinabi naman ni Presidential Assistant for the Visayas Michael Dino, itatalaga ang mga healthcare workers sa National Kidney Transplant Institute (NKTI), Jose Reyes Memorial Medical Center, Lung Center of the Philippines, Rizal Medical Center at Tondo Medical Center.
Mananatili ang mga ito ng isang buwan sa mga nasabing ospital pero kung kailangan ma-extend ay handa naman daw sila.
Tiniyak naman ni Dino na “manageable” ang kaso ng COVID-19 sa Central Visayas.