HEALTHY LIVING | DepEd suportado ang ordinansa sa QC na naglilimita sa mga ititindang pagkain sa mga school canteen

Manila, Philippines – Walang nakikitang masama ang Department of Education (DepEd) sa ordinansa ng pamahalaang lungsod ng Quezon na nagbabawal sa mga school canteen na magtinda ng matatamis na pagkain, inumin, maaalat at matatabang pagkain.

Ayon kay Education Undersecretary Analyn Sevilla sa ngayon may umiiral na ring kautusan ang ahensya sa mga paaralan na nagbabawal sa pagtitinda ng mga nabanggit na uri ng pagkain dahil marami nang mga bata ang hindi lang mataba kung hindi obese.

Pero dahil maraming mga magulang ang umaalma kung bakit damay ang banana at camote cue, turon, maruya at iba pang ibinababad sa mantika at binudburan ng asukal ay ipinagbabawal na rin.


Kung kaya at iminungkahi ni Undersecretary Sevilla sa Quezon City Government na limitahan lamang ang asukal na ilalagay sa mga nabanggit na pagkain na kadalasang pagkain o meryenda ng mga estudyante dahil sa mura na masarap pa.

Paliwanag nito naiintindihan din ng ahensya na hindi lahat ng mga mag-aaral ay may kakayahang bumili ng complete meal.

Kasunod nito, nananawagan ang DepEd sa mga LGUs na tutukan ang kalusugan ng mga mag-aaral dahil sakop na nila ang mga tindahan sa labas ng mga eskwelahan na kadalasang nagbebenta ng hindi masusustansyang pagkain.

Facebook Comments