Makati City – Dahil sa tumataas na bilang ng mga batang overweight sa Makati, sinuportahan ng lokal na pamahalaan ang programang Homemakers and Wellness Kiddie Class & Cooking Demonstration na inilunsad kamakailan upang maituro sa mga magulang ang paghahanda ng mga masustansyang pagkain para sa kanilang mga anak.
Ayon sa Makati Health Department kailangang baguhin ang pananaw na malusog ang isang matabang bata sapagkat ang over nutrition ay nakasasama rin sa kalusugan tulad ng malnutrition.
Kinakailangan ding maituro nang maaga ang active lifestyle at pagkain nang tama sa mga kabataan upang maging mga health-conscious na indibidwal.
Noong June 22, inilunsad ng Makati Health Department ang Homemakers and Wellness Kiddie Class & Cooking Demonstration Program sa Guadalupe Viejo Health Center.
Lumahok dito ang mga magulang ng mga natukoy na overweight preschool students sa komunidad at nakibahagi sa cooking demonstrations at isang workshop sa pagpaplano ng mga masustansiyang pagkain para sa pamilya.
Nagsagawa rin ng isang dancercise session upang mahikayat ang mga bata na makibahagi sa mga physical activities na makakatulong upang maiwasan ang mga lifestyle diseases, gaya ng diabetes at cardiovascular problems.
Sa tala ng MHD, ang lungsod ay may 2.69 percent na overnutrition rate noong 2017 o 1,574 na overweight na mga bata sa total na 57,509 na mga magaaral. Tumaas ito kumpara sa datos noong 2016 na 2.02 percent o 1,254 na bata lamang sa 62,079 na enrolled na mga estudyante.
Ang Homemakers and Wellness Kiddie Class project ay isasagawa sa lahat ng barangay health centers ngayong Oktubre.